Demolisyon: Paggiba sa Kasaysayan

Marie France Canuel
4 min readNov 16, 2022

--

Larawan mula kay: Ding Fernandez/Facebook

April 26, 2021 — Rizal, Philippines

Naging mainit ang diskusyon ng mga Taytayeño sa planong pagpapatayo ng lokal na pamahalaan ng bago at modernong ospital sa Taytay. Mainam lalo na sa panahon ngayon na kailangang-kailangan ng ganitong mga pasilidad. Higit na’t patuloy pa rin ang pagdagdag ng kaso ng COVID-19 sa bayan. Ngunit marami ang tutol sa planong ito. Ito ay dahil sa gagawing demolisyon ng Lumang Munisipyo na pagtatayuan ng bagong ospital. Sa sitwasyon na ito, alin ang mas bibigyang halaga? Ang pagpapanatili ng kasaysayan at kultura o ang serbisyo at benipisyo ng hospital sa bayan?

Taytay, isang bayan na matatagpuan sa silangan sa labas ng Manila. Ito ay isa sa mga bayan na pumapalibot sa Lawa ng Laguna. Ang bayan ng Taytay ay isa sa mga first-class municipality sa bansa na ngayon ay kilala bilang “Garment and Woodworks Capital of the Philippines”. Mahigit sa pitong libong maliliit at malalaking mga negosyo at mga establisyemento ang matatagpuan dito. Gaya na lamang ng SM mall at libu-libong pagawaan ng mga damit at muwebles. At nandiyan pa ang “Tiangge” na sikat na sikat hindi lang sa mga lokal kung hindi dinarayo pa ng mga turista mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

Bukod sa masaganang negosyo, mayaman din ang bayan ng Taytay sa kasaysayan. Matatagpuan dito ang mga historical marks na tanda sa kung saan nagsimula ang bayan bago pa man ito maging maunlad. Matatagpuan dito ang Plaza Libertad(San Juan Gym ngayon), Casa Municipal(dating Taytay Primary School at ngayon ay kilala bilang Lumang Munisipyo), Taytayeños Ancestral Home at St. John the Baptist Parish Church.

Sa unti-unting pag-unlad ng bayan na ito, maituturing na itong “Rising Tiger of Rizal” at opisyal na maging siyudad. Kasabay ng paglago ng ekonomiya ay unti-unti na rin ang mga pagbabago sa bayan ng Taytay. Nagsusulputan na ang mga bagong ipinapatayong imprastraktura at mga negosyo. Pinakakontrobersyal sa lahat ay ang ipapatayong Rizal Provincial Hospital System-Taytay Annex. Ito ay isang moderno at may 245-bed capacity na ospital.

Ang lokasyon na pagtatayuan ng bagong ospital ay ang kinatitirikan ng Lumang Munisipyo at Taytayeños Ancestral Home na itinuturing ng mga Taytayeño na mga cultural heritage at centerpieces ng bayan na naipatayo noon pang 1950s. Tutol ang grupong Taytay Advocates of Cultural Heritage (TACH) at maraming mga residente ng Taytay sa paggiba ng mga nasabing cultural heritage dahil paglabag ito sa batas, ang Republic Act No. 10066 o National Cultural Heritage Act of 2009. Ang batas na ito ay naglalayong protektahan at pangalagaan ang mga cultural heritage sa bansa. Una nang ikinagalit ng mga Taytayeño nang inalis ang monumento ni Rizal at ni Inang Bayan(Inang Laya) sa kinatatayuan nito sa harap ng Lumang Munisipyo, ito ay hudyat lamang ng pagsisismula ng demolisyon. Ang mga gusali at monumento na nabanggit ay kapwa mahigit 50 taon na ang tanda, pasok sa Section 8.4 ng RA 10066.

Naghain naman ng petisiyon ang TACH sa pangunguna ni John Tobit Cruz, konsehal sa Brgy, Sta. Ana,Taytay, sa National Heritage Commission of the Philippines (NHCP) laban sa Lokal na Pamahalaan ng Taytay na ihinto at magkaroon ng resolusyon sa pagpapatayo ng ospital. Inirerekomenda ng TACH na itayo ang bagong hospital sa bakanteng lugar gaya na lamang sa parteng Highway 2000, malapit sa bagong palengke at bagong munisipyo, sa Muzon o sa Floodway Disyembre 11, naglabas ang NHCP ng cease-and-desist order para kay Taytay Mayor George Ricardo “Joric” Gacula II. Ngunit, nagpatuloy pa rin ang demolisyon sa kabila ng utos ng NHCP.

Sa isang pahayag ni Mark Valdez, municipal public information officer, sa Philippine Daily Inquirer sinabi niya na walang opisyal na deklarasyon na nagpapahayag na ang mga gusali ay maituturing na cultural heritage. Dagdag pa niya sa katunayan daw ay ang gusali ay delikado nang gamitin na siyang rason upang ilipat ang opisina ng sangguniang bayan sa bago nitong gusali noong 2008. Sa lokasyon na ito rin daw ang mainam upang maging “accessible” sa sentro ng bayan at sa karatig nitong bayan na Cainta.

Ngayong buwan sa taong ito, tuluyan na ngang giniba ang Lumang Munisipyo. Tila naging isang bundok ng alikabok na lamang ang gusaling saksi sa pag-unlad ng bayan bago pa man ito maging isang first class municipality.Sabi nga sa isang kanta ng Asin “hindi na masama ang pag-unlad, at malayu-layo na rin ang narating”. Sa pag-unlad ng bayan huwag sanang kalimutang isama ring paunladin at pagyamanin ang kasaysayan at kultura.

Para sa TACH at Taytayeños, hindi pa natitibag ang kanilang pag-asa. Magpapatuloy pa rin ang pakikipaglaban laban para sa bayan.

--

--

Marie France Canuel
Marie France Canuel

Written by Marie France Canuel

0 Followers

An INFP who hates taking phone calls. A P-Pop and K-Pop fan. An otaku who is fond of watching anime and reading manga. A journalist to be.

No responses yet